AJHS Paraliturgy "Lux in Domino sa panahon ng Martial Law" held on 20 September 2017

September 21, 2017
By: 
Ron Capinding; Video shot and edited by Paul Y. Daza

AJHS Students do not have classes today, 21 September 2017, but they are not naive about this suspension of classes. Thanks to the faculty of the Christian Service and Involvement Program (CSIP) for ensuring that our students find meaning and relevance in these current irregularities.

The CSIP teachers were able to hold the following yesterday, September 20:

I. Morning Reflection on Martial Law (see a portion of it below, prepared and delivered by CSIP teachers)
II. Installation of Tarpaulins of Atenean Martial Law Heroes (prepared by all CSIP faculty and installed by Maintenance staff along the inner driveway and at the Delaney wing
III. Noise Barrage to Hail Heroes of Martial Law led by the Blue Babble Band)
IV. Paraliturgy on "Being Lux in Domino [Liwanag sa Diyos] in Times of Darkness" by CSIP Faculty (see video above)
V. Offering of Petitions for the Country and Burning of Sheets on which Things that Need to Change Are Written by AJHS Students (see video above)
 
Morning Reflection (September 20): PAG-USAPAN. ALAMIN. DAMHIN. NAMNAMIN. IYAKAN. TANDAAN. HUWAG KALIMUTAN.

Naaalala namin noong bata pa kami, tuwing nababanggit ang Martial Law, World War 2, Japanese Occupation, mga kuwento sa likod ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo, lagi kaming nasisiyahan dahil alam naming hindi na 'to mauulit sa panahon namin. Sabi pa namin noon, "Buti na lang hindi namin inabot 'yan!"

Tiniyak pa nga ng ilan naming mga guro noon na patungo na ang mundo sa malawakang kapayapaan. Kung kaya’t mga nakatatakot na kuwento, documentary, at mga larawan na lang ang mga ito ng nakaraan. Kampante kami noon na dahil nangyari na ang mga 'to, gagawin na ng mga mga tao ang lahat para hindi na maranasan ito ng mga susunod na henerasyon. Tutal may United Nations naman, may mas pinatibay na konstitusyon naman, saka pinag-uusapan naman ang mga 'to sa paaralan. Natatakot kami pero nadadaig ito ng kagalakang hindi na ito mauulit sa panahon namin. Kaso, noong bata pa kami ‘yan.

Sa ika-21 ng Setyembre, ating aalalahanin bilang isang komunidad ang lagim at karahasang idinulot ng Batas Militar sa ating bansa ilang dekada na’ng nakararaan.

Isang paraan ng pamumuno ang batas militar upang panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa lipunan ngunit maaari rin itong maging daan patungo sa pang-aabuso ng mga may-kapangyarihan sa lipunan.

Sino ba naman ang makatutulog nang maayos noong mga panahong iyon kung gabi na’t hindi pa kumpleto ang iyong pamilya sa loob ng bahay? Sino ba naman ang malilinawan sa mga nangyayari sa lipunan noon kung iba’t iba ang ikinakalat na impormasyon sa mga balita? Sino ba naman ang magiging payapa ang kalooban noon kung wala kang nalalaman sa kung ano ang maaaring mangyari bukas o sa makalawa o sa hinaharap? Sino ba naman ang may kayang mangahas mangarap pa ng magandang kinabukasan noon kung sa halos buong buhay niya, karahasan at pagdanak ng dugo na lamang ang kanyang nakikita, naririnig, naaamoy, at napapansin? Sino ba naman ang magiging masaya noon kung patuloy na nagdurusa ang bayan sa larangan ng ekonomiya, pulitika, moralidad, at kalayaan.

Inaalala natin ngayon ang iilan sa mga kapwa natin Atenistang lumaban, nagmahal, nagtaya, at nagsakripisyo ng sariling mga buhay para sa iba. Makikita natin ngayon sa ating paaralan ang mga trapal na nagtatampok ng mga Atenistang walang takot na pinili ang mas mahirap ngunit mas nararapat na uri ng pamumuhay. Isinisigaw nila ang katotohanan sa nakararaming matigas na nagbibingibingihan at nagbulag-bulagan na lang dahil sa takot.
Sino ba naman kasi ang gustong masaktan o makitang masaktan o madamay ang mga mahal nila?

Pero ano nga ba ang puwede nating gawin? Sabi ni Pope Francis na kailangan nating matutong umiyak. Kailangan nating umiyak lalo na sa mga panahong pakiramdam natin, sobrang labo na ng buhay. Umiyak na ba tayo? Si Kristo nga, naging tao para makadama sa mga hinagpis natin. Naging tao siya para maramdaman niya ang mga nararamdaman natin. Samantalang tayo, tumatangging dumama, magalit, umiyak. Bakit hirap na hirap tayong magpakatao? Alamin natin. Damhin natin. Namnamin natin. Iyakan natin. Tandaan natin ang mga hinagpis natin.

Bilang pagtatapos, hayaan n’yong banggitin ko ang mga salitang binitawan ni Cardinal Chito Tagle sa mga Atenistang nagtapos noong 2013: “Hindi natin kayang solusyunan ang lahat ng problema sa mundo. At papaano mahahanap ang katuturan, kahulugan, sa gitna ng mga hinagpis ng buhay? Alam n’yo ang natutuhan ko? Tell stories of courage. Tell stories of valor, of dignity, of nobility. And they are strengthened to move on. But how can you tell stories if you don't listen to stories?"

Pag-usapan. Alamin. Damhin. Namnamin. Iyakan. Tandaan. Huwag kalimutan.

"Listen to people. Listening to their stories, and telling the stories to others, we become agents of hope.”

Nawa’y maging mga instrumento tayo ng pag-asa at kapayapaan at kalooban ng Diyos para sa ating bayan.

Manalangin tayo.

Panginoon, hindi ko alam ang aking hantungan.
Hindi ko makita ang aking nilalakaran.
Hindi ko nalalaman kung saan ako patungo.
'Ni hindi ko nga kilala kung sino talaga ako,
at sa totoo, kahit sa tingin ko'y sinusundan Kita,
hindi ako nakatitiyak na sinusunod Kita.
Ngunit naniniwala akong ang kagustuhan kong pasayahin Ka'y nagpapaligaya na sa 'Yo. 
At umaasa na lang akong 'yon na mismo ang ambag ko.
Wala nawa akong ginagawang salungat sa Iyong hangad.
At alam kong sa aking pagpayag, gagabayan Mo ako sa tamang landas,
bagaman hindi ko nalalaman kung saan ito patungo.
Kung kaya, ipinaubaya ko na ang lahat sa 'Yo
kahit mistulang naliligaw ako sa kadiliman ng kasalanan.
Hindi ako nangangamba, sapagkat kapiling Kita
at hindi Mo ako kailanman iiwan sa pagharap ko sa mga kalabang dambuhala.

Amen.