1. Bakit kailangang isulong ang federalismo? Bakit hindi na lámang susúgan ang kodigo ng pamahalaang lokál?
Malaon nang binabagabag ang kapuluang Filipinas ng malabis na konsentrasyon ng mga kapangyarihang pampolitika at administratibo sa Maynila, na malaking hadlang sa pagkakaloob ng ganap na suporta at mga serbisyo sa pinakamalalayòng sulok ng bansa. Gayundin, naudlot ang paglago at pag-unlad sa ibang mga rehiyon dahil sa unitaryong estado. Nagkaroon ng ilan at paunti-unting pagtatangka na madesentralisa ang estadong unitaryo. Kabilang sa mga ito ang Batas na Susog sa mga Batas na Nangangasiwa sa mga Pamahalaang Lokál sa pamamagitan ng Pagpapataas ng Awtonomiya ng mga ito at Pagrereorganisa ng mga Pamahalaang Panlalawigan ng 1959 (Batas Republika 2264), ang Batas sa Karta ng Baryo ng 1960 (Batas Republika 2370), ang Batas sa Desentralisasyon ng 1967 (Batas Republika 5185), ang Kodigo ng Pamahalaang Lokál ng 1983 (Batas Pambansa Bilag 337), ang Konstitusyon ng 1987, at ang Kodigo ng Pamahalaang Lokál ng 1991 (Batas Republika 7160) (Brillantes at Moscare 2002).
Sa kabila ng matagal na pag-eeksperimento sa desentralisasyon, 62 porsiyento ng GDP ng bansa ay nanggagaling sa Metro Manila, CALABARZON (Rehiyon IV-A), at Central Luzon (Rehiyon III), samantalang ang 38 porsiyento ay nagmumula sa labing-apat ng may-kabuuang labimpitong rehiyon. Para sa 2016, ang badyet para sa Metro Manila at Luzon ay 56 porsiyento ng buong General Appropriations Act (Batas Republika 10717) samantalang 16 porsiyento ang para sa mga lokál na yunit ng pamahalaan. Napadako sa dulo ang nakamihasnan nang mahihirap na rehiyon sa Mindanao sanhi ng masyado nang tumagal na estado ng di-pagkakasundo. Kayâ nga ang mga gastúsin at kinikita ng pamahalaan ay namamalaging labis na sentralisado kahit pa makaraang maipasá ang Kodigo ng Pamahalaang Lokál at ang debolusyon sa mga lokál na yunit ng pamahalaan. Nagmumukha tuloy na sa halip na pinagbubuti ang desentralisasyon sa Filipinas, hinahadlangan ito ng estadong unitaryo. Kayâ humantong na tayo sa hanggahan ng pagpapalawak ng awtonomiya sa ilalim ng ganitong sentralisadong anyo ng pamamahala.
Sa mapaghawang-landas na aklat na Why Nations Fail: The Origins of Power, Prosperity, and Poverty (2012), binigyang-diin nina Daren Acemoglu at James A. Robinson ang papel ng kasaysayan sa paghubog ng mga gampánin ng mga kasalukuyang institusyon. Sa pananaw nila, hinuhugis ng mga institusyong pampolitika ang mga institusyong pang-ekonomiya. Gayundin, pinag-iba nila ang mga institusyong ekstraktibo at ingklusibo. Nililikha ng mga makapangyarihang elite ang mga ekstraktibong institusyon upang makahango ng mga pagkukunan sa ibang bahagi ng lipunan. Sa kabilang dako, pinagpapátas ng mga ingklusibong institusyon ang ginagalawang larangan upang makalikha ng mga insentibo para sa mga puhunan at inobasyon.
Labí ng kolonyal na panahon ang estadong unitaryo. Napatatag ang sentralisadong sistema ng pamahalaan sa ilalim ng tatlong kolonyal na pamamahala: España mula 1521 hanggang 1896, Estados Unidos mula 1899 hanggang 1941, at Japan mula 1941 hanggang 1945. Nang makamit ng bansa ang independensiya noong 1946, isinainstitusyon ng estadong unitaryo ang lohika ng ekstraksiyon upang mapaglingkuran ang namumunòng elite at ang mga kolonyal na panginoon ng mga ito (Brillantes at Moscare 2002; Reyes 2016). Gayundin, patúloy na ipinapataw ng unitaryong pamahalaan ng Filipinas ang konsepto ng “isang-bansa, isang-estado,” kayâ naisasantabi nang gayon na lamang ang pag-iral ng mga lipunang naiiba sa paraang etnolingguwistiko sa maraming Filipino (Buendia 1989, 131).
Tinanggap ng mga kolonyal na Americano ang kongklusyon ng Schurman Commission na “walang mamamayang Filipino... [kundi sa halip] may mahigit walumpung magkakaibang tribu, nagsasalita ng mahigit sa animnapung magkakaibang wika...[naninirahan] sa daan-daang mga pulo” (sinipi ni Anastacio 2016, 39). Kayâ inakala ng mga Americano na ang kanilang bagong-sakop na teritoryo ay “walang-kakayahang mamahala sa sarili.” Ginamit nila ang impraestruktura ng mga Español na sadyang itinatag para mapaghanguan ng kita. Ibinalik din ng mga ito ang mga dating pamilyang elite sa mahahalagang tungkuling sosyo-ekonomiko at pinanatili ang pangunahing papel ng Maynila bilang pangkalahatang tagapangasiwa ng mga aktibidad ng mga lokál na yunit ng pamahalaan. Ang mga pamanang kolonyal na ito na nagkaanyo sa unitaryong estado ay isinainstitusyon sa Konstitusyong 1935, at muling-binuhay paglaon sa Konstitusyong 1987 (Anastacio 2016).
Kayâ naman, ipinamamalas ng karanasan ng Filipinas na ang mga lokál na pamahalaan ay patúloy na institusyonal na nakatanikala sa isang estrukturang domestiko-kolonyal at labis na sentralisado. Nililimitahan nito ang puwang para makagawa ng mga inisyatiba at makatayô sa sariling mga paa ang mga pamahalaang lokál. Dahil sa pag-aasahán sa pagitan ng sentral na pamahalaan at ng mga lokál na yunit ng pamahalaan, itong huli ay nagmimistulang mga ahente ng suporta na lamang sa kanilang mga nasasakupan (Buendia 1989, 125). Sumasalamin ang ganitong tungkulin ng pag-aahente sa ekstraktibong papel na ginampanan ng mga pamahalaang lokál noong panahon ng kolonyal na pamumunò. Ang “lohika ng ekstraksiyon” ay natanim na sa unitaryong estado, at sa gayon ay nababansot ang pag-usbong ng lokál na pag-unlad na nakasosostene-sa-sarili. Sa kasamaang-palad, ang ganitong pagkakamalîng pang-estruktura ay hindi na maiwawasto ng paunti-unting reporma sa loob ng unitaryong estado. Naghahandog ang federalismo ng lalong kapaki-pakinabang na alternatibo na nakabatay sa prinsipyo ng sariling-pamamahala at pinagsasaluhang-pamamahala.