10. Ano ang mga posibleng kahinaan ng sistemang parlamentaryo?
May mga likas na problematikong katangian din ang sistemang parlamentaryo. Ang inmobilismo (o matiim na pagtutol sa pagbabagong pampolitika), na sitwasyong walang mayoryang partido o koalisyon sa parlamento, na natambalan pa ng walang-pagkakaisang sistema ng partido ay maaaring mauwi sa kawalang-katatagan ng pamahalaan at pagpapaikot-ikot ng mga punòng ministro (i.e., Ikaapat na Republika ng France mula 1946 hanggang 1958, Italy mula 1946 hanggang 1952, at Japan pagkaraan ni Koisumi mula 2008 hanggang 2012).
Kung babaligtarin, ang isang parlamento na may isang malakas na disiplinadong partido na siyang may-hawak ng mayorya ay higit na nakapagtataguyod ng pangyayaring “winner-take-all” kaysa sa presidensiyalismo. Sa modelong Westminster ng United Kingdom, halimbawa, ang isang partidong nagwagi ng mayorya sa mga puwesto sa parlamento (kahit pa mababa sa 50% ang nakamit na popular na boto) ay mangyayaring makakontrol sa buong ehekutibo at lehislatura sa nakapatagal na panahon (Mainwaring and Shugart, 1997).