5. Aling modelo ng federalismo ang angkop sa Filipinas?
Ang mga tradisyonal na modelong federalismo ng Americano, Canadian, at German ay mga halimbawa ng “pagsasama-sama” na mga federasyon na dáting binubuo ng mga nagsasarili o awtonomong organisadong samahán (polity) na nagpasiyang lumikha ng isang unyong federal upang magtaguyod ng mga kapakanang pang-ekonomiya at seguridad para sa lahat. Ang isang higit na napapanahong modelo ng “pagbubuklod” ng mga federasyon ay nagbibigay-diin sa pagkakaloob ng isang garantisadong paraan ng awtonomiya para sa mga subnasyonal na entidad na nasa isa nang umiiral na organisadong samahán. Ang garantiyang ito ng awtonomiya ang muling-bumuhay sa interes sa federalismo bilang isang institusyonal na kasangkapan sa pangangasiwa ng mga hidwaan sa buong daigdig (Hueglin at Fenna 2015, 345). Ginamit ang federalismo upang tugunin ang mga hinaing ng mga lokál na grupong minorya at ang paghahanap ng mga ito ng higit na awtonomiya o agad na separasyon. Kabilang sa mga hindi pa gaanong nagtatagal na halimbawa ang transisyon ng España patungong federalismo pagkaraan ng awtoritaryong panahon ni Franco noong 1975; pagharap sa samot-saring hidwaang panloob ng estado pagkatapos ng panahon ng Cold War na kinabibilangan ng Russia (1993), Ethiopia (1993), Bosnia and Herzegovina (1995), Nigeria (1999), Serbia and Montenegro (2002), Sudan (2005), Iraq (2005), at Nepal (2013); at ang nagaganap ngayong talakayan ukol sa federalismo sa Nepal, at sa Filipinas (Pi-suñer 2010; Keil 2015; Adhikari 2010; May 2007).
Hindi pa nagkakaroon ng ganap na implementasyon sa Asia ng mga Kanluraning modelo ng rehiyonal (teritoryal) na federalismo at multinasyonal (kultural) na federalismo. Sa mga bansa sa Asia, ang sa India ang lumilitaw na pinakamatagumpay na halimbawa. Sa proseso ng deskolonisasyon, ang India, kasama ang Pakistan, Malaysia, at ang mala-federadong Hong Kong ay mga dating kolonyang British na yumakap sa federalismo. Hindi nagtagumpay ang panukalang federalismo sa Sri Lanka at Myanmar ngunit nananatili itong isang opsiyon sa kasalukuyan. Ginagamit ng Mainland China ang “mala-federal” na paraan sa mga awtonomong rehiyon ng Guangxi, Inner Mongolia, Tibet, Xinjiang, at Ningxia, at sa espesyal na administratibong rehiyon ng Hong Kong at Macau. Ang Filipinas at Indonesia, bagaman parehong estadong unitaryo, ay maituturing na mga “estadong federalista na nag-uumpisa pa lamang” mula nang gamitin ng mga ito ang estilong-federal na pamamahala sa paglutas sa mga hidwaang etno-lingguwistiko (i.e., Bangsamoro sa Filipinas at Aceh sa Indonesia). Isang halòng anyo (hybrid) ng federalismo ang nabubuo sa Asia, na hindi kailangang ganap na humawig sa federalismong Kanluranin, at sa halip ay sumunod sa isang proseso na higit na angkop sa kontekstong Asian (He 2007, 13).

Back | Proceed to Question 6: “Bago” ba ang idea ng federalismo sa Filipinas? |