9. Ano ang mga kainaman ng sistemang parlamentaryo?
Sa maraming taon sa Filipinas, naging isang kaakit-akit na pamalit sa presidensiyalismo ang parlamentarismo. Si Jose Abueva (2005, 12-15), isa sa mga pangunahing tagapagtaguyod ng parlamentarismo at dating pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas, ay naglista ng mga kainaman ng isang parlamentaryong anyo ng pamahalaan:
- Tinitiyak nito ang organisado at mabisang paggamit ng mga kapangyarihang lehislatibo at ehekutibo na napagsasanib o napag-iisa sa Parlamento.
- Higit na masisiguro nito kaysa sa ating Sistemang Presidensiyal ang pagkakahalal ng isang Pinunò ng Pamahalaan—ang Punòng Ministro—na higit na kilala ng mga kapuwa lider ng partido dahil sa kaniyang pamumunò at karanasan sa pamamahala.
- Nagtataguyod ito ng paglinang ng mga partidong pampolitika na demokratiko, disiplinado, may-pagkakaisa, at mabisa sa pagbalangkas ng isang programa ng pamahalaan na siguradong susuportahan ng sambayanan.
- Makapagbibigay-daan ito sa napapanahong pagpapalit ng Pinunò ng Pamahalaan, sakaling kailanganin, sa pamamagitan ng boto ng kawalang-pagtitiwala sa Punòng Ministro at sa mayoryang partidong pampolitika o koalisyon sa Parlamento.
- Ang programa ng Pamahalaan ay hinuhubog ng mayoryang partidong pampolitika sa pamumunò ng Punòng Ministro.
- Bibigyang-lakas nito ang sambayanan sa pagpili hindi lamang ng kandidato kundi pati ng partidong pampolitika na ibig nilang mamahala sa bansa.
- Mababawasan nito ang mataas na halaga ng paghahalal sa Pinunò ng Pamahalaan sa pamamagitan ng pagpili sa lider ng mayoryang partido o mayoryang koalisyon sa Parlamento bilang Punòng Ministro.
- Makatutulong ito upang maiwasang maihalal ang isang Pinunò ng Pamahalaan nang batay lamang sa personal na kayamanan, popularidad, o madaling matandaan ang pangalan bilang isang selebriti na bantog sa media o pelikula.
Ang pagsasanib ng mga kapangyarihan sa pagitan ng asamblea (o parlamento) at ng ehekutibo (o punòng ministro) ay naghahain ng isang pamahalaang may higit na koordinasyon, mahusay, at responsable. Magkakaroon ng higit na pokus sa mga partido at programa, sa halip na sa mga personalidad at popularidad. Kailangang makaakyat ang isang politiko sa hagdan ng partido upang maging pinunò ng partido. Gayundin naman, ang “boto ng kawalang-pagtitiwala” ay nagdudulot ng balbula ng kaligtasang pampolitika na makahahadlang sa mga pag-aalsa ng lakas-sambayanan at sa mga tangkang kudeta. Upang maiwasan ang kawalang-katatagang pampolitika na maaaring humantong sa mga palagiang pagtatagisan sa loob ng parlamento (e.g. Italy at Japan), dapat na maisainstitusyon ang isang sistema ng konstruktibong boto ng pagtitiwala (e.g. Germany). Sa ganitong sistema, dapat na maghalal agad ang parlamento ng isang hahaliling pamahalaan habang bumoboto laban sa kasalukuyang nasa puwesto.
Back | Proceed to Question 10: Ano ang mga posibleng kahinaan ng sistemang parlamentaryo? |