5. Paano maihahambing ang Filipinas sa mga kalapit-bansa nito kung antas ng pagiging sentralisado o desentralisado ang pagbabatayan?
Tulad ng naipaliwanag na, mainam na tugunin ang tanong na ito sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga larang na administratibo at pampolitika. Mapadadalî ito kung itutuon ang pansin sa dalawang salik na kapaki-pakinabang sa pagsukat ng administratibong sentralisasyon/desentralisasyon (ang lakas ng Ministeryong Interyor, at kung nagkaroon na ba o wala pang proseso ng debolusyon dati) at sa tatlong salik na kapaki-pakinabang sa pagsukat ng pampolitikang sentralisasyon/desentralisasyon (paghahalal o pagtatalaga ng mga lokál na opisyal, ang pagkakaroon ng malalakas na lokál na ámo, at ang pag-iral ng mga organisadong pambansang partidong pampolitika). Nakapagdudulot ang ganitong paraan ng pagtanaw ng maikli at higit na simpleng hambingan ng unitaryong Filipinas at ng tatlo sa mga kapit-bansa nito sa Timog Silangang Asia: unitaryong Thailand, unitaryong Indonesia, at federal na Malaysia. Upang mapadali ang paghahambing, gagamit ng “C” sa mga bahaging nagpapakita ng sentralisasyon ang salik, “D” kung nagpapakita ng desentralisasyon ang salik, at “C/D” kung panggitna ang itinatanghal ng palatandaan.
- Unitaryong Thailand
C: Lubhang malakas na Ministeryong Interyor, na nag-ugat noong magtatapos ang siglo 19, malaganap na kumokontrol sa administrasyon ng mga probinsiya.
C: Limitado ang debolusyon sa mababang tambon na sub-distritong nibél (mababa sa probinsiya at sa distrito)
C: Pagtatalaga (hindi paghahalal) ng mga gobernador at opisyal ng distrito. Ang mga pinunò ng tambon at mga nayon ay “inihahalal ng sambayanan ngunit alinsunod sa pag-uutos ng (Ministeryo) ng Interyor” (Nelson 2002, 6)
C/D: May mga lokál na ámo ngunit may limitadong mapamuwersang kapasidad kung ihahambing sa Filipinas
D: Mahihinang partido (madalas na batay sa rehiyonal sa halip na nasyonal) ang karaniwang umiral makaraan ang panahon ng digmaan, maliban sa panahon ng naglingkod bilang punòng ministro si Thaksin Shinawatra (2001 – 2006)
- Unitaryong Indonesia
C: Nananatiling napakaimpluwensiyal ang Ministeryo ng Interyor, isang sentral na sangay ng kolonyal na rehimeng Dutch na nagsilbi ring isang balwarte ng diktadurang Suharto (1965 – 1998)
D: Nagkaroon na ng mga ekstensibong debolusyon sa desentralisasyong “big bang” ng 2001, ngunit mahalagang pansinin na isinantabi ng debolusyong ito ang mga probinsiya sa pagpabor sa nibél na subprobinsiyal
D: Mula 2005, may tuwirang popular na paghahalal ng mga gobernador at alkalde (halos nabaligtad noong 2014 – 2015 , ngunit nananatili pa rin)
C: Maraming lokál na patron, ngunit may iilang lokál na ámo na may mahalagang mapamuwersang kapangyarihan
C: Mahigpit na kahingian na maging pambansa ang saklaw ng mga partidong pampolitika, maliban sa bukod-tanging pinahintulutan na Aceh sa kasunduang pangkapayapaan ng 2005
- Federal na Malaysia
C: Napakalas na Ministeryo ng Interyor, humahangong muli sa pamanang pangkasaysayan na bumabalik sa kolonyal na panahon
C: Lubhang sentralisadong anyo ng federalismo na walang pagtatangka ni anuman na magkaroon ng debolusyon
C: Sentral na pagtatalaga ng mga lokál na opisyal ng pamahalaan; hindi nagkaroon ng eleksiyon para sa pamahalaang lokál mula pa noong dekada 1960, dahil may dalawang boto lamang ang mga botante (isa para sa kanilang miyembro ng pambansang parlamento at ang isa ay para sa kanilang miyembro sa asamblea ng estado)
C: Maraming lokál na “kingpin,” ngunit dahil sa kawalan nila ng mapamuwersang kapasidad, hindi sila maituturing na mga lokál na ámo
C. May isang dominanteng pambansang partidong pampolitika mula noong 1957 (may mga partidong nibél-estado sa Sabah at Sarawak, ngunit karaniwang may pakikipag-alyansa sa mga pambansang partidong pampolitika)
- Unitaryong Filipinas
D: Tulad ng nabanggit na, walang pamanang kolonyal na isang malakas na Ministeryo ng Interyor sa Filipinas. Ang katumbas sa Filipinas alinsunod sa kasaysayan ay lubhang politisado, gumagalaw para sa interes ng palasyong pampanguluhan, at nito lamang ilang nagdaang taon na ang isang Sekretaryo ng Interyor at Pamahalaang Lokál (dating Alkalde ng Lungsod Naga Jessie Robredo) ay nagpasimuno ng kahanga-hangang pagsisikap na mapagtibay ang pamantayan sa pagtupad-tungkulin para sa mga pinagkukunang nagmumula sa pambansang pamahalaan (sa pamamagitan ng Tatak ng Mabuting Pangangasiwa, na paglaon ay nakilala bilang Tatak ng Mabuting Lokál na Pamamahala). Naging parsiyal lamang ang mga pagsisikap na masunod ang “Patakarang Ganap na Pagsisiwalat,” may bahagyang pangamba ang mga gobernador at alkalde na hindi sila nakatutupad sa direktiba ng pambansang pamahalaan na maging hayagan ang mga pinansiyal na transaksiyon ng pamahalaang lokál.
D: Dumanas ang Filipinas ng makabuluhang debolusyon sa pamamagitan ng Kodigo ng Pamahalaang Lokál ng 1991
D: Simula pa noong bungad ng siglo 20, nagkaroon ang Filipinas, sa pangkalahatan, ng eleksiyon para sa mga opisyal ng pamahalaang lokál (kabilang ang mga gobernador, alkalde, at mga miyembro ng lokál na lehislatura)—nahinto nga lamang noong panahon ng pananakop ng mga Japon at noong rehimen ng Batas Militar ni Marcos
D: May malaon nang umiiral na tradisyon ng “ámo-ámo” sa maraming lokalidad (ngunit hindi naman lahat) sa Filipinas. Naging imposible sana ang pagbubuo ng angkan ng mga Ampatuan sa Maguindanao sa bungad ng siglo 21 kung ang estado ng Filipinas ay “lubhang sentralisado.”
D: Habang sinasabing talamak na mahina at walang kaisahan ang mga partidong pampolitika sa Filipinas, makikita sa kasaysayan ng bansa na ang marami sa mga partido nito ay higit na may pagka-pambansa sa halip na rehiyonal ang saklaw.[1] Sa praktika, gayunman, ang ilan sa maiinam ang pagkakalinang na mga organisasyong pampolitika ng bansa ay matatagpuan sa lokál na nibél—at madalas na may mababang nibél na artikulasyon sa pagitan nitong mga lokál na makinaryang pampolitika at mga pambansang partidong pampolitika.
Ano ang mga pangunahing leksiyon mula sa komparatibong sarbey na ito? Una, pansinin na bagaman ang Malaysia ang bukod-tanging federal na sistema sa Timog Silangang Asia, ito rin ang isa sa mga pinakasentralisadong bansa sa rehiyon—higit pang sentralisado kaysa sa unitaryong Indonesia o (lalo na) sa unitaryong Filipinas. Ipinakikita nito ang isang punto sa simula pa lamang: may malaking pagkakaiba-iba sa loob ng kategorya ng federalismo, mula sa relatibong higit na sentralisado hanggang sa relatibong higit na desentralisado. Sa lubhang sentralisadong federal na Malaysia, ang mga nasa estado na mayaman-sa-mapagkukunan ay madalas na nagrereklamo na hindi sila nabibigyan ng nararapat ng federal na pamahalaan sa Kuala Lumpur. Ang paggamit ng sistemang federal, kung gayon, ay hindi garantiya sa pagkakaroon ng paggalaw patungo sa desentralisasyon. Maipagpapalagay na isa rin itong paraan upang mapalakas ang sentro sa ikapapahamak ng mga yunit na subnasyonal (tulad sa sentralisadong federalismo na estilong-Malaysia) o mas kapani-paniwalang ang mga rehiyon/estado sa ikapapahamak ng mga pamahalaang lokál. Nagdudulot ito ng mabibigat na pangamba kung kinakailangan nga bang tingnan ang federalismo bilang lohikong kasunod na hakbang sa pagtataguyod ng lokál na awtonomiya sa Filipinas.
Ikalawa, pansinin na batay sa pananaw na ito, ang Filipinas ang kung tutuusin ay siyang pinakadesentralisadong bansa sa apat na bansang sinarbey. Humahantong ito sa isang napakadaling tanong: sa isang bansa na lubha nang sentralisado batay sa pahambing na perspektiba, bakit maraming tagapagreporma ang nagsusulong ng pangangailangan para sa isang panibagong desentralisasyon–sa pagkakataong ito, sa pamamagitan ng isang potensiyal na makauudlot na paglipat sa federalismo (anupaman ang magiging anyo nito sa dulo)? Sa ilang dekada, ang mga “estratehiyang lokalista sa repormang pampolitika” ay karaniwang tinitingnan bilang mga paraan sa pagtubos sa sistemang pampolitika ng Filipinas.[2] Ngunit nabigo sa pangkalahatan ang mga estratehiyang ito na matupad ang matatayog na inaasahan ng mga tagapagsulong nito, sa isang banda, dahil nabigo silang pahalagahan ang importansiya ng mabisang sentral na pagdidirihe[3] bilang pagsuporta sa tunay demokratikong lokál na awtonomiya. Tulad ng tatalakayin pa sa susunod na bahagi, kahingian sa matagumpay na pagtataguyod ng lokál na awtonomiya ang paglinang ng malalakas na institusyon sa mga nibél na lokál at nasyonal.
[1] Batid natin mula sa komparatibong analisis na karaniwang may ginagampanang mahalagang papel ang mga partidong pampolitika na pambansa ang pagkakaorganisa sa pagtiyak na mamamayani ng mga patakarang pambansa sa mga partikularistang interes na rehiyonal.
[2] Tingnan ang Hutchcroft 2014b tungkol sa kung paanong “ang mga pangarap ng katubusan” sa pamamagitan ng mga estratehiyang lokalista sa repormang pampolitika ay palagiang elemento ng diskursong pampolitika ng Filipinas mula sa mga nagdaang dekada hanggang sa kasalukuyan.
[3] Galing ang terminong “sentral na pagdidirihe” kay Kjellberg (1995), na naggigiit na kailangang gawing balanse ang importansiya ng “mga lokál na hálagahán” (awtonomiya sa pagtatakda ng mga priyoridad ng lokál na komunidad, partisipasyon ng mga mamamayan sa mga lokál na gawain, at ang mga natamong kahusayan mula sa pagkakaloob sa mga lokál na komunidad ng kapasidad na harapin ang mga lokál na usapin) at ng “mga pambansang hálagahán” (ang pangangailangan sa sentral na pagdidirihe upang suportahan ang mga pambansang layunin tulad ng pagpapanatili ng pamamayani ng batas, pagtiyak na mahusay na nagagamit ang pondong pampubliko, pagtataguyod ng pagkakapantay-pantay sa mga rehiyon, at pagbabantay laban sa maluluho at mapag-aksayang pamahalaang lokál).