Loyola Schools Chapel
October 30, 2015
By:
Lilibeth Castillo
Ang paborito kong lugar sa Ateneo ay ang Loyola Schools Chapel. Una akong bumisita roon noong taong 1993, pagkatapos ng interview ko kay Mr. Rodolfo Allayban na noo'y direktor ng Ateneo Archives.
Dahil sa pinalaki ako ng aking mga magulang na malapit sa Diyos, kagustuhan ko talagang madalas bumisita sa simbahan upang magpasalamat sa mga biyayang natatanggap ko at ng aking pamilya sa araw-araw. Kaya pagkatapos ng interview, sa LS Chapel ako unang tumuloy upang magpasalamat at humiling na ring sana ay palarin akong matanggap sa Ateneo. Bagong tapos ako noon sa kolehiyo, at gayon na lamang ang pananalangin kong makapasok sa trabaho.
Makalipas ang ilang araw, pinatawag ako ng Ateneo at pinagre-report na! Lubos akong nagpasalamat sa Diyos at bumisitang muli ako sa chapel. Simula noon, hanggang ngayon, hinding-hindi ko nakakalimutang dumaan at magpasalamat sa Kanya sa biyayang natatanggap ko sa araw-araw. Sa loob ng chapel, humihingi ako ng gabay sa Panginoon upang magampanan ko nang maayos ang aking trabaho at magakaroon ng mabuting pakikisalamuha sa mga tao.
Ang pagpunta sa chapel ay ginagawa ko upang makapagpasalamat sa Diyos. Ito rin ay paraan ko ng pagpapaigting ng aking paniniwalang nariyan Siya upang tulungan ako kahit ano pa mang suliraning dumarating sa aking buhay. May pagkakataong hindi Niya naibibigay ang nais ko, ngunit ipinapakita pa rin Niya sa ibang paraan na hindi Niya ako pinababayaan. Siya ang una kong nilalapitan kapag alam kong hindi ko kayang solusyunan ang isang problema, maliit man o malaki.
Bilang empleyado ng Ateneo, napakalaking bahagi ng aking buhay ang pagbisita sa LS Chapel.