Tanaw mula sa Likod ng Jesuit Residence
September 17, 2014
By:
Ariel Diccion
Dalawang alaala ang ibinubulong sa akin ng hangin kapag inihahatid ko ang mata ko sa liwanag ng lunsod at sa aliwalas ng langit mula sa burol na ito.
Sa araw, pinangingiti ako ng mga salita ng lolo kong si Tatay Nano. Hinihikayat niya ako noong magpaiwang mag-isa sa Ateneo noong papasok ako bilang estudyante sa Prep-Masipag. Ang sabi niya, "Nasa itaas ng bundok ang Ateneo. Tumanaw ka lang pababa mula roon, makikita mo ang bahay natin sa Marikina." 1984 noon, at hanggang ngayon, hinahanap ko pa rin yata ang bubong ng bahay namin sa Marikina.
Sa gabi, pinapanatag ako ng galak ng Nanay ko. Sinamahan niya ako na maghapunan dito noong imbitahan kami ng Graduation Committee sa salo-salo matapos kong matanggap ang Masters Degree ko sa Loyola Schools. Ang sabi niya, "Ang ganda ng mga bituin. Siguradong nakatanaw si Tatay mo sa iyo ngayon, tuwang-tuwa." 2011 noon. At ngayong nahanap nang muli ng Nanay at Tatay ko ang isa't isa, ang Ateneo na yata talaga ang isa sa inuuwian kong tahanan."..
Si Ariel Diccion ay isang guro sa Kagawaran ng Pilipino ng Mga Paaralang Loyola ng Pamantasang Ateneo de Manila.