Tinamaan Ka Na Ba? (An Ignatian Festival Animated Featurette)
Marahil sa isa o higit pang mga pagkakataon sa ating buhay, may mga pangyayaring nakapagpabago o nakayanig sa atin. Ang mga pangyayaring ito ay nagbunga sa pagiging mas mabuti natin, paglawak ng ating pananaw sa mundo, o pagiging mas malapit natin sa Diyos. Mula sa halimbawa ni San Ignacio, matatawag ang mga ito bilang pagtama ng kanyon o “cannonball experiences”.
Sa ilang mga kilalang personalidad, makikita natin marahil ang mga maaaring maituring na "cannonball experiences" nila. Posibleng “pagtama ng kanyon” para sa namayapang si Senador Ninoy Aquino ang kanyang pagdanas ng kasakiman at karahasang dulot ng Martial Law na nagtulak sa kanya upang labanan ang diktadurya. Gayundin, ang paulit-ulit na pagkabigo ni Bb. Pia Wurtzbach ang nagbigay sa kanya ng determinasyon hanggang sa makuha niya ang tagumpay bilang kasalukuyang Miss Universe. Ilang beses ding nabigo ang atletang si Hidilyn Diaz bago niya naiuwi ang Olympic medal na matagal nang inaasam-asam ng bansa. Hamon ng isang sakit at pagdanas ng muntikang pagpanaw ang nagpaalala kay Mique Aguiluz ng Ateneo Grade School na ang buhay ay biyaya mula sa Diyos na dapat ialay sa kapwa.
Ang mga "cannonball experiences" ay maaaring maranasan ninoman. Sa ating pang-araw-araw na paggalaw, may mga pagkakataong tayo man ay tinatamaan din. Kailangan lang sigurong magbukas at bigyan ang sarili ng pagkakataong tamaan.
Ikaw, tinamaan ka na ba?
-----