ANG KALAYAAN, ANG PAGPILI, AT ANG KALOOBAN NG DIYOS

December 17, 2018
By: 
Ruben C. Mendoza

“The Presidency is a God-given gift. I am sure God would not have given me the position if I was a bullshit” (Rodrigo R. Duterte, 5 December 2018).
 
Paano ba natin maaaring maunawaan ang ugnayan ng mga pangyayari sa buhay ng isang tao at isang sambayanan bilang kalooban ng Diyos? Para sa maraming tao, kung may isang bagay na nangyari sa personal na buhay nila o sa ating lipunan, kalooban ito ng Diyos. Sa mata nila, walang nangyayari sa kanilang buhay na hindi kaloob ng Diyos. Kung sakaling mayroong sumakabilang-buhay dahil sa isang sakuna, iniisip nila na kinuha na sila ng Maykapal. Gayon din, kung may magandang pangyayari sa buhay ng isa, ipinagdiriwang ito at tinitingnan ito bilang isang biyayang nagmula sa Diyos. Ngunit ganitong kasimple nga ba ang mga bagay-bagay? Sa munting pagbabahaging ito, nais kong magbigay ng pagmumuni-muni tungkol sa ugnayan ng ating kalayaan, ang ating pagpiling ginagawa sa buhay, at ang kalooban ng Diyos. Ang layunin
ko rito ay makaambag sa pagkakaroon nang mas kritikal na pang-unawa sa mga nangyayari sa ating buhay at lipunan sa liwanag ng Kristiyanong pananampalataya.

 
Nang likhain ng Diyos ang tao, sumugal siya. Pinagkalooban niya ang tao ng kalayaan na pumili ng anuman sa kanyang buhay. Kaya nga makikita natin sa kuwento ng paglikha sa Henesis na mayroong punongkahoy ng kaalaman ng kabutihan at kasamaan (Hen 2:16–17). Ipinapakita nito na kabahagi ng mapagmahal na paglikha ng Diyos sa atin ay ang pagkakaloob sa atin ng kalayaan—isang kalayaan na kung saan puwede nating tanggihan ang pinagmulan mismo nito. Ganito ka-radikal ang kalayaang binigay sa atin ng Diyos. Para sa kanya, ang tunay na pagmamahal ay malayang ipinagkakaloob. Kung wala siyang ipinagkaloob sa tao ng kakayanang pumili, hindi makakayanan ng tao na tumugon sa Diyos nang may pagmamahal. Ang pagmamahal ay isang malayang pagpili ng mamahalin, at ang pagpili at paggawa ng mga kilos na magpapahiwatig ng pagmamahal na ito. Kung wala ito, hindi ito tunay na pagmamahal. Kung sapilitan ang pagtugon ng tao sa Diyos, hindi ito tunay na pagmamahal.
 
Sa kasamaang palad, mamamalas natin sa kasaysayan ng sangkatauhan ang patuloy na pagpili ng mga tao na kainin ang bunga ng punongkahoy na ipinagbabawal ng Diyos. Patuloy nila siyang sinusuway at ninanais na maging diyos sa kani-kanilang buhay. Bakit nga naman hindi? Mas madaling maging diyos sa ating mga mata kaysa pahintulutan ang tunay na Diyos na hamunin tayo na higitan ang ating sarili, na matutong magsakripisyo para sa ikabubuti ng iba, at na iwanan ang isang makasariling buhay. Sa pagsusugal na ito ng Diyos, napakaraming beses na siyang natalo. Ngunit kung mayroong isa man lamang ang tutugon at tunay na magmamahal sa kanya, sulit na ito para sa kanya. Nagagalak siya sa pagbabalik-loob ng sinuman sa kanyang mga anak (Luc 15).
 
Sumugal din ang Diyos sa pagsugo ng kanyang anak. Inisip niya na pakikinggan nila si Hesus. Hindi niya ninais na magpakasakit at ipako ang kanyang anak sa krus. Ginusto niya na sa pagpapahayag ni Hesus ng mabuting balita, makikinig ang mga tao (Mt 17:5), magbabagong-loob ang kanyang mga tagapakinig, at muling magiging isang tunay na bayan ng Diyos ang Israel. Ngunit tinanggihan ng mga tao si Hesus. Pinapako siya ng mga nakararami sa krus (Mk 15:14). Pinakinggan ni Pilato ang taong-bayan datapwat alam niya na inosente si Hesus (Jn 19:6–16). Vox populi, vox Dei? Hindi. Hindi ginusto ng Ama na maipako ang kanyang Anak sa krus. Kung maniniwala tayo na ang kagustuhan ng nakararami ang kalooban ng Diyos, maraming dapat panagutan ang Diyos na ito sa taong-bayan. Kailanman, hindi gusto ng Diyos na maghirap ang sinumang tao. 
 
Sa halip na tingnan natin ang mga nangyayari sa kasaysayan bilang kalooban ng Diyos, mas nararapat na tingnan ang mga ito bilang bunga ng mga pagpili ng mga tao na maaaring nagsusumikap na tugunan ang tawag ng Diyos sa kanilang buhay o na ayaw pansinin ang pagkilos ng kanyang Espiritu. Madalas, sa mga pagpiling ginagawa ng tao, hindi naman talaga napapakinggan ang munting tinig ng Diyos na umaanyaya sa atin na makinig at sumunod sa kanyang kalooban (1 Hari 19:12). Nariyan ang biyaya ng Diyos: na pumili tayo ng tama at na magawa natin ang mapagmahal na gawa sa bawat sandali ng ating buhay. Totoo ito sa ating pinuno at sa pinakamaliit na tao sa ating lipunan. Iyon nga lang, palaging nariyan ang tukso na piliin ang madali, na piliin ang ating pakikinabangan, at na huwag lumangoy laban sa agos ng takbo ng lipunan kahit na kinakailangang gawin ito.
 
Higit na 16 na milyon ang pumili kay Ginoong Duterte nang nakaraang halalan. Bahagi ito ng kalayaang pinagkaloob ng Diyos sa tao. Dahil higit na nakararami ang pumili sa kanya, kumpara sa ibang mga kandidato, siya ang ating kasalukuyang pangulo. Pinili ba siya ng Diyos na maging pangulo ng Pilipinas? Masasabi ba natin na katumbas ng pagpili ng 16 na milyon ang kalooban ng Diyos? Hinirang ba siya at iniluklok ng Diyos bilang pangulo?
 
Sa pagsagot ng mga tanong na ito, magandang alalahanin na kung ang Espiritu ng Diyos ang tunay na kumikilos sa ating buhay at lipunan, makikita natin ang bakas nito—ang paglago ng mga birtud sa mga indibiduwal at sa sambayanan (Gal 5:22–25). Ngunit kung ang nakikita natin ay puro patayan, paninirang-dangal, pambabastos ng mga kababaihan, panlalait sa mga kritiko, at paglabag sa mga karapatang-pantao, masasabi natin na hindi ito kalooban ng Diyos.
 
Oo, si Pangulong Duterte ang ating pangulo. Ngunit hindi ito nangangahulugan na Diyos ang humirang sa kanya. Nangangahulugan ito na dahil siya ang pangunahing pinuno, malaki ang kanyang pananagutan sa bayan. Isa itong pananagutan na kung saan pinagkakalooban siya ng biyayang kinakailangan na magampanan niya ang kanyang tungkulin para sa tunay na ikabubuti ng bayan. Sinabi ng Pangulo na hindi tanga ang Diyos niya, tulad ng Diyos sa Hudeo-Kristiyanong tradisyon. Marahil, magandang maipaalala kay Pangulong Duterte na hindi rin tanga ang Diyos na papanig na lamang sa sinuman ang nasa kapangyarihan kahit na mali ang kanyang ginagawa. Isang bagay lamang ang kaloob ng Diyos: na tunay na magkaroon ng kaganapan ng buhay ang lahat ng tao—maging sinuman siya dahil ang bawat tao ay kasiya-siya sa mata ng Diyos, kasama na rito ang libu-libong taong pinatay mula nang magsimula ang “war on drugs.” Kung may kinakampihan man ang Diyos, sila ang mga ineetsa-puwera ng lipunan, ang mga kasalakuyang anawim.
 
May biyayang ipinagkakaloob ang Diyos na piliin natin ang tama at ang nararapat sa bawat sandali ng ating buhay. Napapanahon na tanggalin at tanggihan na ang pananaw na kalooban ng Diyos ang ating mga nagiging pinuno (“divine right theory”). Kung Diyos nga talaga ang humirang sa marami nating mga politikong nakaupo sa puwesto, ano’ng klaseng Diyos iyan na pumipili ng mga taong hindi karapat-dapat at walang pagmamalasakit sa taong-bayan? O baka naman binibiro lamang tayo ng Diyos, gaya ng pagbibiro ng ating presidente?