Ang Pagbato ng Sinumang Walang Sala: Ang Laban Kontra sa Droga at ang Pagiging Inosente

August 20, 2017
By: 
Ruben C. Mendoza, STD, PhD
A descent into the conflict-ridden underworld of evil reveals a strange but persistent anomaly. If we listen to what its inhabitants tell us about their enemies, we are overwhelmed by the ugliness and magnitude of wickedness. If we let these same enemies talk about themselves, however, the ugliness mutates into beauty and the wickedness into innocence; the magnitude remains the same. The clashing perspectives give rise to a glaring incongruity: in a world so manifestly drenched with evil everybody is innocent in their own eyes (Volf 1996).
 
Nang mga nakaraang araw may biglang pagtaas na naman sa bilang ng mga napatay na tao dahil sa kampanya ng pamahalaan laban sa droga. Nanlaban ang mga ito, sabi ng kapulisan. Sila ay bahagi na ng mga libu-libong napatay na pinaghihinalaang nagtutulak ng droga at/o mga adik. Nagiging normal na kalagayan na ang araw-araw na pagpatay sa kanila. Ang nakababahala at nakalulungkot sa lahat ng mga ito ay ang kawalan o kakulangan ng mga tinig na nagpoprotesta sa pangyayaring ito at nagsasabing hindi ito makatarungan. Mukhang pinagdiriwang pa ng marami ang kalagayang ito. “Dapat lang,” ang sabi ng iba. “Mabuti nga sa kanila,” dagdag pa ng ilan.
 
Sa mundo na puno ng karanasan, madaling magturo ng iba at sabihin na sila ang may sala. Madaling makita ang sarili na inosente sa lahat ng ito. Madaling magbulag-bulagan sa kawalan ng paggalang sa karapatang-pantao dahil mga salot naman talaga sila ng lipunan. Madaling magkibit-balikat na lamang dahil wala naman talaga tayong magagawa na pigilan ang mga pumapatay sa kanila. Madaling hindi makialam dahil hindi natin kaanu-ano ang mga pinapaslang. Madaling sumabay sa agos dahil ito naman ang gusto ng nakararami. Oo, madali ang lahat ng mga ito kaysa tanungin at sagutin kung ano ang maka-Kristiyanong gawin sa situwasyong ito.
 
Madali para sa atin ang humusga ng mga taong ayaw natin, mga taong iba sa atin at mga taong karaniwang minamaliit ng mga nakararami at makapangyarihan. Tutal, sa mata natin, hindi naman sila inosente. Bakit natin sila pag-aaksayahan ng panahon? Nang tanungin ng mga guro ng Batas at Pariseo si Hesus kung ano ang karapat-dapat gawin sa babaeng nahuli nilang nakiapid, sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang walang kasalanan sa inyo ang siyang maunang bumato sa kanya” (Jn 8:7). Dahil dito, wala ni isa man sa mga taong naroon ang pumukol ng unang bato. Isa-isa silang nag-alisan dahil alam ng bawat isa na hindi sila inosente. Ito ang katotohanan ng ating buhay: lahat tayo ay nagkasala. Walang inosente sa atin. Sa krus, niyakap tayong lahat – mga taong kaaway ng Diyos dahil sa ating mga kasalanan – ni Hesus at ipinagkasundo sa Diyos. Tayo na nakikinabang sa kaligtasang pinagkaloob ng Diyos ay inaanyayahang buksan rin ang ating puso, papasukin ang ating mga kaaway at yakapin sila gaya ng ginawa ng Diyos sa bawat isa sa atin. Sa ganitong paraan lamang na tunay na magiging mabunga ang sakripisyong ginawa ni Hesus sa krus. Para kay Volf, ito ang ibig sabihin ng Eukaristiya. Hindi lamang ito pagdiriwang ng pangtanggap ng Diyos sa bawat isa sa atin. Isang hamon ito na magbigay ng puwang sa ating mga puso para sa ibang tao na minamahal ng Diyos kahit iba sila sa atin.
 
Dahil madali itong makalimutan, kailangang pakakatandaan natin na pumarito si Hesus hindi hindi tawagin ang mga matuwid kundi ang mga makasalanan. Maraming tahanan sa bahay ng Ama (Jn 14:2) na kung saan ay bukas-pusong tinatanggap ng Diyos ang lumalapit sa kanya. May lugar doon para sa mga pinaghihinalaang adik, mga nagtutulak ng droga at pati na rin mga taong walang pakundangang kumikitil sa kanila. Ganitong magmahal ang Diyos. Wala siyang iniiwan at isinasantabi. Para sa kanya, mahalaga ang bawat tao. Ito ang malaking hamon sa bawat Kristiyano – ang matutunang tunay na magmahal sa kapwa, kabilang na roon pati ang ating mga kaaway (Lk 6:35).
 
Hindi naaayon sa kalooban ng Diyos ang mga patayang nangyayari sa ating lipunan. Hindi ito tama, makatuwiran at makatarungan. Kailanman, hinding-hindi susuko ang Diyos sa isa man sa atin. Sana’y hindi rin tayo sumuko sa isa’t-isa. Mas madali na hayaan na lang natin na magpatuloy ang mga nangyaring patayan. Ngunit ang pagiging Kristiyano ay hindi tungkol sa pagpili ng mas madali. Ito ay tungkol sa pagpasan ng ating krus nang sa gayon tunay na makibahagi tayo sa buhay ni Hesus at maging daan ng pagbibigay-buhay sa isa’t-isa. Kasaganaan at kaganapan ng buhay ang nais niya para sa atin (Jn 10:10). Hindi kamatayan.