Bagong Dugo: Ang 11th Ateneo National Writers Workshop

Nina Mitch Cerda at Allan N. Derain

Isa sa mga pangunahing proyekto  29646 ng Ateneo Institute of Literary Arts and Practices (AILAP) ang Ateneo National Writers Workshop (ANWW), isang taunang palihan para sa mga nagsisimulang manunulat. Ilan sa mga naging fellow ANWW nitong mga  nagdaang taon na nakapag-ambag na sa panitikan ng Pilipinas sa kanilang mga publikasyon at mga gantimpalang nakamit sa mga pambansang patimpalak pampanitikan sina Jema Pamintuan, Mykel Andrada, Kristian Cordero, Karl de Mesa, Mikael d e Lara Co, Ken Ishikawa, at Carlos Piocos III.

Sa kasalukuyan, nasa ika-11 taon na ang ANWW sa pagbibigay ng libreng palihan para sa publiko. Naganap ang palihan sa taong ito sa pakikipagtulungan ng National Commision for Culture and the Arts (NCCA) at Heights, ang opisyal na publikasyon at organisasyong pampanitikan at pansining ng Pamantasang Ateneo de Manila.

Ginanap ito sa PLDT-CTC Room 201 sa Pamantasang Ateneo de Manila nitong ika-21 hanggang ika-25 ng Mayo, 2012.

Mula sa  halos isandaang aplikante, labinlimang pinakabagong fellow ang napili para makilahok. Sina Nicko R. Caluya (Quezon City), Joseph Immanuel G. Casimiro (Taytay, Rizal), Paolo Miguel G. Tiausas (Pasig City), at Om Narayan A. Velasco (Baguio City) ang mga napili para sa tulang Filipino. Sina  chJesus Catigan Insilada (Calinog, Iloilo), Ricky C. Ornopia (Marikina City), at Julz E. Riddle (Quezon City) para sa maikling kuwentong Filipino. Sina Miro Frances Dimaano Capili (Makati City), Deirdre Patricia Z. Camba (Marikina City) at  Isabela Kristiana E. Cuerva (Marikina City) para sa tulang Ingles. Sina Kareen Kristeen Valmoria Bughaw (Cebu City), Al Gerard de la Cruz (Cagayan de Oro City), Early Sol A. Gadong (Iloilo City), Rowena Rose M. Lee (Davao City), at Eric John Betita Villena (Cagayan de Oro City) para sa maikling kuwentong Ingles.

Naging panelist sa taong ito ang mga batikan at premyadong manunulat na galing sa loob at labas ng Ateneo de Manila. Binubuo ito nina Rica Bolipata-Santos, Mikael de Lara Co, Kristian S. Cordero, Michael M. Coroza, Allan ch N. Derain, J. Pilapil Jacobo, Marco A.V. Lopez, Allan Popa, Danton Remoto, Jun Cruz Reyes, Danilo Francisco M. Reyes, Edgar Calabia Samar, Benilda S. Santos, Vincenz Serrano, at Alvin B. Yapan. 

Sa paggabay ng mga piling panelist, pagkakataon ang palihan na maproseso ang borador ng mga akda ng mga fellow sa masusing pagbasa at pagbibigay-payo tungo sa rebisyon.  Bukod sa mga regular na diskusyon, nagkaroon din ng mga natatanging aktibidad gaya ng seryeng panayam na ibinigay nina Jun Cruz Reyes, na pinamagatang “Kung Paano Nagsusulat Ngayon o ang Tunguhin ng Kontemporaryong Panulat”; Benilda S. Santos, “Q&A ng Makata at Musa sa Pagkatula ng Tula: Saloobin at Pag-aalinlangan sa Harap ng Tula”; at Edgar Calabia Samar, “Halos Isang Buhay, o Pagsulat ng Tula at Nobela sa Panahon ng Likes at Trending Topics”.  Sa kalagitnaan ng linggo, ipinasyal ang mga fellow at panelist sa makasaysayang mga lawa ng San Pablo, Laguna. Nagkaroon din ng book sale sa huling dalawang araw ng palihan.

Isang natatanging pagkakataon ang palihan upang magkaroon ng ugnayan ang mga datihan at nagsisimulang manunulat  tungo sa ikalalago ng panitikan ng ating bansa. Pinangunahan ang palihan ni Allan N. Derain bilang direktor ng palihan at puno ng Creative Writing Desk ng AILAP at Edgar C. Samar bilang direktor ng AILAP. Sina Kristine Romero, katuwang na direktor ng AILAP, Glenda C. Oris, puno ng Literary Studies Desk, at Michael M. Coroza, puno ng Translation Desk, ang iba pang miyembro ng AILAP. Naging tagapag-ugnay naman ng palihan si Christoffer Mitch C. Cerda.